Todo-higpit ngayon ang Manila Police District (MPD) Station 13, mga barangay opisyal at ilang tauhan ng lokal na pamahalaan sa Baseco Beach.
Ito’y matapos na mapa-ulat na may ilang indibidwal ang nagtungo at naligo sa nasabing beach nitong weekend.
Ayon sa ilang tanod na nagbabantay sa Baseco Beach, pawang mga dayo at hindi residente sa lugar ang mga naligo.
Dahil dito, isinalim ng mga opisyal ng barangay sa seminar ang mga nahuling lumabag habang inalam rin ang kanilang mga pangalan at contact number para sa contact tracing.
Maging ang mga “vlogger” ay hindi na muna pinapapasok hangga’t walang permiso sa opisina ng barangay.
Bukod dito, sinermonan din ni Lt. Col. Robert Domingo na hepe ng MPD Station 13 ang mga naligo sa beach kung saan nagbabala siya sa mga nais na sumubok na maligo rito.