MPD at mga magulang ni hazing victim Atio Castillo, naghain ng supplemental complaint affidavit sa DOJ

Manila, Philippines – Naghain sa Department of Justice (DOJ) ng supplemental complaint affidavit ang Manila Police District at ang mga magulang ni hazing victim Horacio Castillo III.

Isinama na ng mag-asawang Horacio II at Carminia Castillo sa kanilang reklamo si Dean Nilo Divina ng UST Faculty of Civil Law.

Kabilang sa mga iniharap na testigo ng MPD ang mga nurse at doktor ng Chinese General Hospital na nag-asikaso kay Atio Castillo nang dalhin ito doon ng pangunahing suspek na si John Paul Solano.


Bukod sa transcript ng naging pagdinig ng Senado sa Horacio Castillo case, nagsumite rin ang MPD ng kopya ng kuha ng CCTV ng Barangay na nakasasakop sa Aegis Juris Library sa Sampaloc, Maynila kung saan isinagawa ang initiation rites kay Atio.

Dumalo rin sa hearing ang pangunahing suspek sa krimen na si John Paul Solano at isa pang miyembro ng Aegis Juris na si Jason Robinos.

Pawang mga abogado lamang ng iba pang respondents sa kaso ang dumalo sa hearing kanina.

Humirit ang abogado ng respondent na si Axxel Hipe ng karagdagang panahon para makapagsumite ng kanilang counter-affidavit dahil sa supplemental complaint affidavit ng MPD at ng mga Castillo.

Ibinasura naman ng DOJ ang naturang mosyon at nanindigan ang panel sa naunang napagkasunduang petsa na October 24 ang deadline para sa kontra-salaysay ng mga respondent sa orihinal na reklamo ng MPD at karagdagang limang araw na extension para sa kanilang supplemental counter-affidavit.

Facebook Comments