MPD at MPD-SMART, iginiit na importante pa rin ang obligasyon ng publiko para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19

Muling iginiit ng Manila Police District (MPD) at ng MPD-Special Mayor’s Reaction Team (SMART) na ang obligasyon ng bawat isa ang pinakaimportanteng paraan para maiwasan na kumalat ang COVID-19.

Sa naging pahayag ni MPD Smart Chief Police Lt. Col. Jhun Ibay sa pagdala nito sa media forum ng MPD Press Corp., hindi kakayanin ng mga otoridad at ng lokal ng pamahalaan ang laban sa COVID-19 kung wala ang tulong ng bawat mamamayan.

Aniya, isa sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng hawaan ng virus ay ang hindi pakikipag-tulungan ng publiko.


Sinabi pa ni Ibay na isa rin sa importanteng obligasyon ng bawat isa ay ang magpabakuna kontra COVID-19 upang kahit papaano ay malayo sa kritikal na kalagayan ang kalusugan.

Sa usapin naman ng isyu hinggil sa nagsusulputang pagbebenta ng slot para makapagbakuna, iginiit ni Ibay na kasalukuyan na nila itong tinututukan at nagkakasa na rin ng imbestigasyon para mahinto ito.

Ayon naman kay MPD Public Information Officer Chief Police Capt. Philip Ines, malaking papel ang ginagawang pag-iingat ng publiko dahil mababawasan kahit papaano ang iniintindi ng mga pulis na inatasan magbantay sa pagpapatupad ng guidlines sa health protocols.

Ang naging pahayag ni Ines ay kasunod ng muling pagkakaroon ng naitalang aktibong kaso ng COVID-19 sa hanay ng MPD kung saan anim na mga tauhan nila ang nagpositibo.

Aniya, nasa tatlong pulis mula sa Station 12 ang tinamaan ng virius habang isa sa Station 6, 13 at District Mobile Force Battalion na pawang mino-monitor sa ngayon ang kanilang sitwasyon.

Facebook Comments