MPD, bumuo na ng tracker team para tugisin ang limang pulis ng Intel Unit na tumangay ng kita ng isang computer shop

Bumuo na ng tracker team ang Manila Police District (MPD) para tugisin ang limang tauhan ng District Police Intelligence Operation Unit na tumangay ng kita ng isang computer shop sa Sampaloc, Maynila.

Ayon kay MPD Dir. Police Brig. Gen. Andre Dizon, hindi makita ang limang pulis na kinilalang sina Police Staff Sergeant Ryan Paculan, Police Staff Sergeant Jan Erwin Isaac, Corporal Job Cabucol, Patrolman Jhon Lester Pagar at Patrolman Jeremiah Pascual.

Aniya, hanggang ngayon ay walang nagpaparamdam kahit isa sa mga nasangkot na pulis kung kaya’t hinihikayat niya ang mga ito na sumuko na.


Sinabi pa ni Dizon, sinapamahan na nila ng reklamo ang limang pulis sa Internal Affairs Service ng Philippine National Police (PNP) kung saan inihahanda naman nila ang ilang dokumento para kasuhan ng kasong robbery extortion ang mga nabanggit na pulis.

Nabatid na 23 ang bilang ng mga tauhan ng Intel Unit ng MPD kung saan ang 18 sa mga ito ay isasailalim sa re-orientation at re-training habang ang hepe nila na si Police Captain Rufino Casagan ay mahaharap rin sa adminsitratibong kaso dahil siya ang may command responsibility.

Matatandaan na hiningan ng limang pulis ng halagang P40,000 ang may-ari ng computer shop upang hindi na arestuhin dahil sa umano’y sangkot daw sa online gambling habang inoobliga rin siya na magbigay ng P4,000 kada linggo bilang proteksyon.

Facebook Comments