Muling nagpapa-alala si Manila Police District (MPD) Director Police Brig. Gen. Andre Dizon sa mga tauhan nito na panatilihing ligtas at nakatago ang mga service firearms o baril upang hindi maabot o makuha ng kanilang mga anak.
Ang panawagan ni Gen. Dizon ay kasunod ng nangyaring insidente kung saan nasawi ang isang 12-anyos na estudyante.
Ito’y matapos umano nitong aksidenteng maiputok sa sarili ang baril ng kaniyang ama na isang pulis na dinala niya sa paaralan sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Ayon pa kay Gen. Dizon sa pagdalaw nito sa Balitaan sa Tinapayan, ang mahigpit niyang paalala ay hindi lamang sa MPD personel kundi sa lahat ng may-ari ng baril.
Aniya, iba na daw kasi ang ilang pag-iisip ng mga kabataan lalo na na’t nauso na ang mga bayolenteng gaming mobile kung saan marami sa kanila ang nakatutok at nahuhumaling sa larong ito.
Giit pa ni Dizon, maiging tutukan rin ng mga magulang o guardian ang kanilang mga anak at maiging magkaroon sila ng oras para makausap ang mga ito.