Manila, Philippines – Dismayado ang pamunuan ng Manila Police District sa ginawang Executive Session ng mga Senador sa kaso ni John Paul Solano dahil hindi pwedeng isapubliko ang kanilang pinag-uusapan.
Ayon kay MPD Spokesman Supt. Erwin Margarejo, dismayado sila sa ginawang imbestigasyon sa Senado dahil walang napipiga ang mga Senador at nagkaroon pa ng Executive Session kung saan hindi pwedeng isapubliko ang mga ibinulgar ni Solano.
Una rito, sa ginawang Executive session sa Senado, walang napiga ang mga senador maliban nalamang sa pahayag ni Solano na tinawagan siya ng kanyang ka brod at pinapunta sa Frat Library sa Dapitan street Sampalok kung saan nakita niya na nakahandusay ang katawan ni Horacio Castillo III kayat agad niyang dinala sa Chinese General Hospital.
Pinagsabihan umano siya ng kanyang ka-brod na sabihing nakita niya si Atio sa Balut, Tondo, Manila para iligaw ang gagawing imbestigasyon ng mga otoridad.
Nilinaw naman ni Senador Migz Zubiri na pwedeng isapubliko pero kinakailangan umanong pagbotohan muna nila ng mga Senador.
Paliwanag naman ni Margarejo, pinag-aaralan pa ng kampo ni John Paul Solano ang isinampang kaso sa DOJ saka sila gagawa umano ng kanilang counter affidavit.