Kinumpirma ni Manila Police District (MPD) Director PBGen. Andre Dizon na handa na ang kanilang pwersa para sa pagsisimula ng simbang gabi.
Ayon kay Dizon, partikular na tutukan ng MPD ang mga misa sa gabi at madaling araw kung saan inaasahan na dadagsa ang tao.
Maging ang matataong lugar ay pababantayan din ng opisyal upang masiguro ang seguridad ng publiko.
Aniya, mismong mga station commander ang mag-dedetermina ng bilang ng ipapakalat ng MPD Personnel para sa mga simbahan na kani-kanilang nasasakupan.
Tiniyak din ni Dizon na may naka-reserba silang pwersa ngayong holiday season alinsunod na rin sa kautusan ni PNP Chief Rodolfo Azurin Jr.
Panawagan naman niya sa publiko na manatiling alerto at agad na i-report sa mga pulis kung may makitang kahina-hinalang tao at bagay kasabay ng doble pag-iingat upang huwag mahawaan ng COVID-19.