MPD, handa na sa kaliwa’t kanang kilos protesta kasabay ng SONA ni Pangulong Marcos

Handa na ang mga pulis ng Manila Police District (MPD) partikular ang Civil Disturbance Management (CDM) sa mga magsasagawa ng kilos protesta sa mga lugar na kinakalampag ng mga militante ngayong ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Ayon kay MPD Chief Police Brig. General Andre Dizon, kabilang sa mga babantayan ng MPD ang Chino Roces Bridge sa Mendiola, Supreme Court sa Padre Faura St., Plaza Miranda sa Quiapo, Liwasang Bonifacio sa Lawton, US Embassy sa Roxas Boulevard.

Aniya, ipapakalat niya ang mga pulis sa iba pang freedom parks na maaaring pagdausan ng programa ng mga magkikilos-protesta.


Sinabi ni Dizon na kung maaari, ayaw na niyang maulit ang insidente noong nakaraang Sabado kung saan nagkaroon ng komosyon sa pagitan ng mga raliyista at MPD.

Nakikiusap naman si Dizon sa mga magkikilos-protesta na sumunod sa mga patakaran hinggil sa pagsasagawa ng rally sa Maynila at maging mahinahon sakaling pagsabihan ng mga pulis.

Bukod dito, nakahanda rin ang isang team ng MPD District Mobile Force Battalion na umalalay sa mga maapektuhan ng Bagyong Egay na posibleng sumabay sa SONA ng pangulo gayundin sa mga maaapektuhan ng ikakasang transport strike.

Facebook Comments