MPD, handa na sa pagsisimula ng kampaniya ng mga local candidates sa lungsod ng Maynila

Handang-handa na ang Manila Police District (MPD) sa pagsisimula ng pangangampanya ng mga kandidato sa lokal na posisyon.

Sa pahayag ni MPD Director Police Brig. Gen. Leo Francisco, all set na ang inilatag nilang security plan ngayong araw kung saan magpapakalat siya ng mga tauhan sa gagawing programa, rally o anumang aktibidad ng mga lokal na kandidato.

Sinabi pa ni Gen. Francisco na sisikapin rin nila na maipatupad ang ilang patakaran sa ipinapatupad na minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at physical distancing.


Aminado ang opisyal na malaking hamon para sa kanila ang pagpapatupad ng health protocols kaya’t umaasa siya na magagawa ito ng kaniyang mga tauhan sa abot ng kanilang makakaya.

Aniya, bukod sa nananatili pa rin sa Alert Level 1 ang classification sa Metro Manila kung saan maaari ng lumabas ang publiko, pinapayagan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang lahat ng kandidato na mangampaniya kahit wala ng permit.

Pakiusap naman ng pamunuan ng MPD sa mga supporter at organizers na magsagawa ng anumang aktibidad ng local candidate na makipagtulugan sa kanila upang maging maayos, payapa at walang anumang kaguluhan na mangyari.

Facebook Comments