MPD, hindi na papalawigin pa ang oras ng pagtungo sa mga sementeryo sa Maynila

“Wala nang extension pa.”

Ito ang inihayag ni Manila Police District (MPD) Police Brig. Gen. Arnold Thomas Ibay sa mga nais dumalaw sa Manila North Cemetery.

Ayon kay Ibay, hanggang alas-7:00 ng gabi ang oras ng pagpunta sa nasabing sementeryo kung saan alas-6:00 pa lamang nang gabi ay iikot na sila sa loob.


Ito’y para paalalahanan ng MPD at tauhan ng Manila local government unit ang mga nasa loob ng Manila North Cemetery.

Dagdag pa ni Ibay, pagsapit ng alas-7:00 ng gabi ay isasara na lahat ng entry at exit points sa sementeryo at mahigpit na seguridad ang ipapatupad.

Sa kabila nito, pawang mga residente na lamang ang papayagan na pumasok at lumabas kung saan makakatuwang ng MPD sa pagbabatay ang mga tauhan ng barangay.

Sa ngayon, nasa 390,000 na ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na nagtutungo sa Manila North Cemetery at inaasahan na tataas pa ang bilang nito hanggang mamayang gabi.

Facebook Comments