Manila, Philippines – Nilinaw ni MPD Spokesman P/Supt. Erwin Margarejo na inaantay na lamang nila na magsumite ng resolusyon kung ang impormasyon ay iaakyat ng DOJ sa Korte saka magsagawa ng mga pagdinig at maaaring magpalabas ng warrant of arrest ang korte laban sa mga nagtatago na sangkot sa pagkamatay ni Horacio Castillo III.
Ayon kay Margarejo, matatagalan pa bago maresolba ang kaso dahil sa mga Preliminary Investigation pa lamang ay kaliwa’t kanang magsasampa ng mosyon ang magkabilang panig.
Paliwanag ni Margarejo, kapag nakakita ng probable cause ang DOJ saka magsagawa ng mga pagdinig upang bigyan ng pagkakataon ang magkabilang panig na magprisenta ng kani-kanilang mga ebidensiya.
Dagdag ni Margarejo, hindi nila mapipilit na imbestigahan si Ralph Trangia dahil wala namang warrant of arrest na inilabas ang korte para pigilan at arestuhin si Trangia kayat depende sa kanya kung magboluntaryo itong makipagtulungan sa pulisya.
Giit ni Margarejo, magkakaroon lamang ng linaw sakaling makakuha ng panibagong ebidensiya na magsusuporta sa naunang affidavit of complaint ng MPD Homicide upang mapagtibay ang malakas na kaso laban sa mga nasasangkot.