Pinabulaanan ng Manila Police District (MPD) ang lumabas na ulat na may kumakalat na “killer” sa Tondo, Maynila.
Partikular sa may bahagi ng Balut kung saan maraming residente ang nababahala at natatakot.
Sa kumalat na balita, dalawa na daw umano ang napapatay ng killer na pinangalanan “Jhoel” na may alyas na “Blandy”.
Sinasabing gumala raw ito at basta-basta namamaril kung saan sa kumalat pa na balita, hindi raw umano titigil hangga’t hindi nakikita ang gustong patayin.
Pero sa ginawang pag-iimbestiga ng MPD, wala silang nakuhang impormasyon hinggil sa masabing kumakalat na balita.
Kaugnay nito, inihayag ng MPD na “fake news” ang kumakalat na balita at tinutunton na nila ang nagpakalat nito.
Muli naman pinaalalahanan ng MPD ang lahat ng residente ng Maynila ma maiging kumpirmahin muna sa mga awtoridad kapag may ganitong uri ng balita kung saan huwag din mabahala dahil oras-oras na nakabantay ang kanilang tauhan.