Muling ipinapaalala ng Manila Police District (MPD) na hindi papayagan ang pagsasagawa ng kilos-protesta sa may bahagi ng Mendiola.
Ito’y kaugnay sa nakatakdang rally na ikakasa ng grupong PISTON at MANIBELA bilang pagtutol sa Public Transport Modernization Program (PTMP).
Kaugnay nito, maagang maglalatag ng checkpoint ang MPD sa kahabaan ng España gayundin sa bahagi ng Recto kanto ng Morayta upang masiguro na walang makakalusot ng mga magkikilos-protesta.
Sapat na bilang rin ng mga MPD personnel ang ipapakalat upang masiguro ang seguridad at maiwasan ang anumang kaguluhan habang makakatuwang nila ang mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) para sa pagbabantay ng trapiko.
Iginiit naman ng MPD na maaari naman magsagawa ng kilos-protesta sa mga freedom parks sa Maynila tulad ng Liwasang, Bonifacio kahit pa hindi sila kumuha ng permit.