Aabot sa 7,000 tauhan ng Manila Police District (MPD) ang ipakakalat para sa prusisyon ng Itim na Nazareno sa Enero 9, 2024.
Ito’y dahil sa pagbabalik ng tradisyunal na Traslacion pagkatapos ng tatlong taon dahil sa pandemya.
Ayon kay MPD Director PCol. Thomas Arnold Ibay, inaasahan nila na posibleng mas marami ngayon ang magpunta dahil tatlong taon itong natigil mula noong 2021.
Pero hindi tulad ng dati, pagbabawalan ang mga deboto na umakyat sa andas ngunit maaari silang maghagis ng kanilang bimpo sa imahe.
Mahigpit na seguridad din ang paiiralin sa buong lungsod ng Maynila para sa kaligtasan ng mga deboto at mga nais bumisita para makiisa sa nasabing kapistahan.
Matatandaan na una nang nagkasa ang mga opisyal ng Simbahan ng Quiapo ng walkthrough mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo para masiguro na magiging maayos at walang problema ang gagawing Traslacion.