Mas mahigpit na seguridad ang ipapatupad ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa gagawing malawakang transport strike mula ngayong araw.
Ito’y para masiguro na magiging maayos at payapa ang buong lungsod ng Maynila.
Ayon kay MPD Director Police Brig. Gen. Andre Dizon, magpapakalat siya ng karagdagang tauhan upang bantayan ang mga nagkakasa ng transport strike at masiguro na makaka-biyahe ng maayos ang ibang grupo o tsuper na hindi makikibahagi dito.
Nanawagan din siya na huwag samantalahin ng ibang pumapasada ang paninigil ng sobrang pamasahe dulot ng malawakang protesta ng ilang transport group.
Maging ang gagawing libreng sakay sa mga pasahero ay tutukan rin nila upang maging maayos at hindi mag-unahan ang mga pasahero.
Nabatid na ilalabas ng MPD ang mga vehicle assets nito bilang tugon sa tigil-pasada batay na rin sa utos ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan.
Dahil dito, nakaalerto na ang buong pamunuan ng MPD, mula alas-5:00 ng madaling araw para sa pagsisimula ng libreng sakay.