
Mas pinaigting ng Manila Police District (MPD) at ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang kanilang anti-criminality plan kasunod ng isinagawang command conference na pinangunahan ni Mayor Isko Moreno.
Sa pulong, binigyang-diin ng alkalde ang pangangailangang palakasin ang seguridad sa lungsod, lalo na sa gitna ng umiiral na hamong pang-ekonomiya na maaaring magdulot ng pagtaas ng krimen.
Ayon kay Moreno, posibleng samantalahin ng ilang indibidwal ang sitwasyon kaya agad na inatasan ang mga awtoridad na maglatag ng mas epektibong hakbang laban sa kriminalidad.
Kabilang sa mga hakbang ang mas pinaigting na police visibility, mas mabilis na response time, at mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng MPD at ng lokal na pamahalaan.
Layunin ng plano na mapanatili ang kaayusan, seguridad, at kapayapaan sa lungsod, at matiyak ang ligtas at panatag na pamumuhay para sa bawat Manileño.










