Mas lalo pang pinalakas ng Manila Police District (MPD) ang kanilang pwersa sa pagbabantay sa may bahagi ng Divisoria sa lungsod ng Maynila.
Kaugnay nito, nag-deploy na ang MPD ng mga miyembro ng Special Action Force (SAF) para tumulong na magbantay at masigurong masusunod ang mga patakaran sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay MPD Director P/Brig. General Leo Francisco, galing sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City ang SAF troops kung saan isa rin sa kanilang gagawin ay paalalahanan ang publiko hinggil sa ipinapatupad na minimum health protocols.
Sinabi pa ni Francisco na paiiralin ng SAF ang maximum tolerance pero payo nito sa kanila na huwag gumamit ng mga armas.
Aminado naman ang opisyal na malaking hamon sa kanila ang pagpapairal ng physical distancing lalo na’t may kaliitan ang ilang kalye sa Divisoria at patuloy na dagsa ng mga tao.
Payo pa ni Francisco, sa publiko na huwag ng isama ang mga menor de edad na anak sa pamimili kung saan ayusin ang pagsusuot ng face mask at faceshield sa anumang lugar sa lungsod ng Maynila.