Mas paiigtingin pa ng Manila Police District (MPD) ang seguridad at pagbabantay sa checkpoints at mga establisyimento na pinayagan nang magbalik operasyon.
Ito’y matapos na ilagay sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila dahil sa dami ng bilang ng naitalang kaso ng COVID-19.
Sa pahayag ni MPD-PIO Police Lieutenant Carlo Manuel Magno, bagama’t halos wala namang pinagkaiba ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) at MECQ, kanila namang ima-maximize ang pagbabantay upang walang makalusot o manamantala.
Dagdag pa ni Magno, hinahanapan pa rin ng quarantine pass ang mga lumalabas na residente sa mga checkpoint habang ang ilang mga mall naman na pinayagan nang magbalik operasyon ay limitado pa rin dahil ang mga restaurant lamang ang maaaring magbukas.
Nilinaw naman ni Magno na bagama’t bukas na ang mga restaurant sa mga mall, ipinagbabawal pa rin ang dine-in.
Sinabi pa ng opisyal na mas “challenging” ngayong MECQ dahil mayroon na silang babantayan na malls o establisyimentong bukas hindi katulad noong nasa ECQ pa lamang ang Metro Manila.
Bukod dito, kailangan na rin ma-maximize ng Manila Traffic Enforcement Unit ang trapiko lalo na sa Pier o Road 10 para sa mga bumibiyaheng trak dahil pinapayagan na ang mga nagde-deliver ng mga pagkain o essentials.