Naglabas ng abiso ang Manila Police District (MPD) hinggil sa mga isasarang kalsada ngayong araw ng botohan.
Partikular sa paligid ng Manila City Hall kung saan gaganapin ang canvassing para sa lokal na posisyon sa lungsod ng Maynila.
Sa abiso ng MPD, isasara ng alas-5:30 ng umaga ang kahabaan ng A. Villegas Street mula N. Lopez Street patungong P. Burgos Avenue.
Gayundin ang C. Muñoz Street mula A. Villegas Street patungong P. Burgos Avenue.
Kaugnay nito, ang mga motorista na magmumula ng N. Lopez Street na nais dumaan ng A. Villegas Street patungong Quezon Blvd. ay maaaring kumaliwa sa southbound lane ng A. Villegas Street patungong Taft Avenue hanggang makarating sa kanilang destinasyon.
Nabatid na ang pagsasara at pagbubukas ng mga nabanggit na kalsada ay depende sa sitwasyon ng daloy ng trapiko.
Humihingi naman ng pang-unawa ang MPD sa mga maaapektuhang motorista kung saan asahan na rin ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa paligid ng city hall.