Muling nagpaalala ang Manila Police District (MPD) sa publiko hinggil sa “face shield scam” na nauuso ngayon sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ito’y dahil sa sunud-sunod na nagaganap ang panloloko sa ilang mga lugar sa Lungsod ng Maynila kung saan ilang indibidwal na ang nabibiktima ng mga scammer.
Ayon kay MPD Spokesperson P/Lt. Col. Carlo Manuel Magno, isang babaeng negosyante na nakilalang si Vanessa Escat ng Malasiqui, Pangasinan ang naloko ng mga scammer ng halagang mahigit 1.8 milyong piso.
Nabatid na pinaasa ng mga suspek ang ginang para sa mga inorder nitong face shield pero walang dumating na stocks sa kanya kaya humingi na ng tulong sa pulisya.
Agad namang nadakip ng MPD ang mga suspek na nakilalang sina Krizia Allen Cay Malapit, Raymund Pavia, Vivien Ampil at Christine Malbas habang nananatili ang mga ito sa isang hotel sa may bahagi ng P. Ocampo Street sa Malate pero hindi na nabawi pa ng biktima ang perang ibinayad nito.
Kasalukuyang nasa headquarters ng MPD ang mga suspek kung saan inaalam na rin kung sinu-sino pa ang nabiktima ng mga ito at kung anong grupo sila nabibilang.
Payo ng MPD sa publiko, huwag basta-basta maniniwala at magbibigay ng pera sa mga nakilala lamang sa social media dahil marami na ang nananamantala sa panahon ngayon lalo na’t in demand ang face shield dahil sa COVID-19 pandemic.