
Maagang magpapakalat ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa Liwasang Bonifacio para sa gagawing multi-sectoral protest ng iba’t ibang grupo.
Ito’y upang masiguro na maayos at walang magiging problema ang lugar kung saan ikakasa ang mga programa mamayang alas-2:00 ng hapon.
Nais din ng MPD na manatili ang kaayusan at kapayapaan kapag sinimulan na ang protesta kung saan bantay-sarado nila ang paligid ng Liwasang Bonifacio.
Bukod dito, aalalay rin ang ilang tauhan ng MPD Traffic Enforcement Unit sa daloy ng trapiko na posibleng maaapektuhan sakaling simulan na ang protesta.
Unang magsasagawa ng march protest ang ibang grupo, mga estudyante, at religous leaders sa may bahagi ng Taft Avenue patungong Liwasang Bonifacio.
Ang gagawing protesta ay bilang panawagan para labanan ang kahirapan, korapsyon, at mga pahirap sa bawat pamilyang Pilipino.
Kabilang din dito ang panawagan na aksyunan ang inihaing impeachment complaints kontra kay VP Sara Duterte at ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.