Matapos ang dalawang araw na hard lockdown sa Sampaloc, Maynila, naghahanda na rin ang Manila Police District (MPD) sa posibilidad ng paglalagay na sa hard lockdown sa apat pang lugar sa lungsod.
Sa memorandum order ni MPD Dist. Operations and Plans Division Chief, Lt. Col. Anne Mangelen, nakasaad na pinaghahanda ng kanilang security plan ang mga opisyal ng himpilan ng pulisya na may hurisdiksyon sa mga lugar na pinaplanong ilagay sa hard lockdown.
Kabilang dito ang mga distrito ng Tondo, Sta. Cruz, San Andres at Malate na nasasakupan ng MPD station 1, 2, 3, 5, 7 at 9.
Ayon sa opisyal, ang hakbang ay kasunod na rin ng inanunsyo ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno na pinag-aaralan na ang nasabing hakbang dahil sa mga natatanggap na reklamong marami pa ring sumusuway sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa mga nasabing lugar na nagiging dahilan pa ng pagkalat ng COVID-19.