MPD, naglabas ng opisyal na pahayag hinggil sa pagpigil sa mga nais magkilos protesta sa Luneta

Naglabas ng opisyal na pahayag ang Manila Police District (MPD) kaugnay ng insidente kaninang umaga kung saan pinigilan ng mga otoridad ang isang grupo na nagtangkang magsagawa ng magkilos-protesta sa Luneta Park.

Batay sa paunang beripikasyon, ang naturang grupo ay hindi nakapagpakita ng permit o pahintulot mula sa Manila Parks and Development Committee (MPDC), na siyang kinakailangan para sa anumang pampublikong pagtitipon alinsunod sa Batas Pambansa Blg. 880 o Public Assembly Act.

Dahil dito, agad na umaksyon ang MPD upang maiwasan ang anumang abala, posibleng kaguluhan, at upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko.

Hinikayat ng MPD ang lahat ng organisasyon at indibidwal na makipag-ugnayan at sumunod sa mga itinakdang regulasyon upang matiyak na ang kanilang mga aktibidad ay magiging maayos, ligtas, at alinsunod sa batas.

Tiniyak din ng MPD na handa silang magbigay ng seguridad sa anumang lehitimong aktibidad basta’t may tamang koordinasyon at nakabatay sa umiiral na batas.

Facebook Comments