MPD, nagpaalala sa mga organizer at mga opisyal ng barangay na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sakaling may gagawin na aktibidad sa lungsod ng Maynila

Muling nagpapaalala ang Manila Police District (MPD) sa bawat opisyal ng barangay, organisasyon o tanggapan ng lokal na pamahalaan na makipag-ugnayan sana sa kanila sakaling may gagawing aktibidad sa lungsod ng Maynila.

Ito’y kasunod ng nangyaring pamamahagi ng monthly allowance sa mga senior citizen na ginanap sa Delpan Sports Complex kung saan nag-viral ito sa social media.

Nabatid na biglang dumagsa ang mga nakakatanda sa nasabing lugar kung saan hindi na nasunod ang guidelines sa health protocols at ang ilan sa mga lolo’t lola ay inilabas ng venue dahil sa nahirapang huminga.


Ayon kay MPD Chief PBrig. General Leo Francisco, hindi nakipag-ugnayan sa kanila ang mga organizer at barangay na nakakasakop sa lugar kung saan nahirapan silang ipatupad ang physical distancing.

Agad naman nagpadala ng mga pulis si Gen. Francisco para tumulong sa pagpapatupad ng health protocols at masiguro ang kaayusan.

Kaugnay nito, umaasa ang opisyal ng MPD na hindi na mauulit ang insidente at abisuhan sana sila ng maaga para walang maging problema.

Nabatid naman na may ilang netizens at grupo ang nangangamba na baka maging COVID-19 “super-spreader” event ang insidente kaya’t nananawagan sila na i-monitor sana ang kalusugan ng lahat ng nagtungo sa pamamahagi ng allowance sa Delpan Sports Complex.

Facebook Comments