Nagsagawa ng “walkthrough” at inspeksyon ang Manila Police District (MPD) sa ilang mga lugar na daraanan ng “Walk of Faith” para sa Nazareno 2023.
Ayon kay MPD Chief Police Brig. Gen. Andre Dizon, layon nito na matiyak na walang magiging problema at ligtas sa mga ruta ng Walk of Faith.
Kabilang sa mga inikutan ni Dizon at mga kasama sa MPD ay ang Quirino Grandstand, Jones Bridge, at ilan pang mga kalsada sa paligid ng Simbahan ng Quiapo kung saan napag-alaman nila na may mga bangketa na dapat pang linisin at ayusin.
Batay sa schedule ng pamunuan ng Quiapo Church, ang Walk of Faith ay idaraos sa January 8, ala-1:30 ng madaling araw at tinatayang matatapos ng hanggang alas-4:00 ng madaling araw.
Bukod dito, pinulong na rin ni Dizon ang iba pang opsiyal ng MPD para malaman nila ang iba pang dapat gawin at updates hinggil sa mga plano sa nalalapit na pista.
Mamayang hapon naman ay magkakaroon ng “send-off ceremony” para sa mga personnel ng MPD na ide-deploy para sa Nazareno 2023.