Handa na ang inilatag na security plan ng Manila Police District (MPD) para sa nalalapit na pista ng Itim na Poong Nazareno.
Kaugnay nito, magsasagawa ng send-off ceremony ang MPD sa darating na January 5, 2023 sa Quirino Grandstand sa Ermita Manila.
Ayon kay MPD Director Brig. Gen. Andre Dizon sa isinagawang Media Conference sa Pope Benedict Building sa Quiapo Church, nasa 3,000 na tauhan ang kaniyang ide-deploy at makakatuwang nila ang karagdagang 2,000 personnel mula sa support units/agencies, districts, National Capital Region Police Office (NCRPO) at iba pang government agencies para sa gagawin religious at national event.
Sinisiguro ni Dizon na magiging ligtas at payapa ang magiging selebrasyon ng pista ng Itim na Nazareno kung saan mula sa Quirino Grandstand hanggang simbahan ng Quiapo ay nakabantay at naka-monitor sila sa bawat aktibidad.
Samantala, sinabi naman ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Col. Procopio Lipana na nasa higit 700 personnel ang kaniyang ide-deploy sa araw mismo ng pista.
Kabilang naman sa mga dumalo sa nasabing media conference ay sina Manila City Mayor Honey Lacuna, Dir. Gloria Balboa ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD), Supt. Ronaldo Sanchez Deputy District Fire Marshall, Manila Fire Department at sina Fr. Jonathan Mojica ang Parochial Vicar ng Quiapo Church kasama si Rev. Fr. Jun Sescon ang Parish Priest ng nabanggit na simbahan.