Nakahanda na ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) para sa paghahain ng mga kakandidato ng Certificates of Candidacy (COC) para sa nalalapit na 2022 national at local elections.
Ayon kay Police Capt. Philipp Ines, hepe ng MPD-Public Information Office, nais nilang matiyak ang seguridad at kaligtasan sa mga araw ng paghahain ng COC lalo na ngayong may banta ng COVID-19.
Aniya, magde-deploy ang MPD ng sapat na bilang ng mga tauhan para sa walong araw na COC filing mula October 1 hanggang 8, 2021 kasabay ng pagbabantay ng seguridad sa ilang bahagi ng lungsod ng Maynila.
Sinabi pa ni Ines na nakipag-ugnayan na ang MPD sa Pasay City Police, para sa pagbabantay sa paligid ng Sofitel Philippine Plaza Manila kung saan dito gaganapin ang paghahain ng COCs ng mga national candidate o ang mga tatakbo sa pagka-presidente, bise presidente at senador.
Dagdag pa ni Ines, nag-ikot at nag-inspeksyon kahapon ang mga pulis-Maynila sa mga lugar na kanilang pagpu-puwestuhan lalo na’t kanilang babantayan ang pagdagsa ng mga supporter ng isang kakandidato.
Bukod sa paligid ng Sofitel, tututukan din ng MPD ang iba pang field office ng Commission on Elections (Comelec) kung saan maghahain ng COC ang mga lokal na kandidato.