Handa na ang Manila Police District (MPD) sa kaliwa’t-kanang kilos protesta na maaaring isagawa kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Ayon kay MPD Director Police Brigadier General Rolando Miranda, kanilang tututukan ang US Embassy sa Roxas Blvd. at ang Mendiola na posibleng puntahan ng mga magkikilos protesta.
Hihigpitan din nila ang seguridad sa paligid ng Luneta Park kung saan magsasagawa rin ng maikling programa ang ilang opisyal ng gobyerno at ang lokal na pamalaan ng Maynila.
Paalala naman ni General Miranda, handa silang arestuhin ang magsasagawa ng protesta dahil ipinagbabawal ito sa pinaiiral na health protocols bunsod ng COVID-19 sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Maliban sa pagbabantay sa mga ilulunsad na kilos protesta, tuloy pa rin ang mahigpit nilang seguridad sa mga quarantine checkpoints sa lungsod maging sa city boundary.
Samantala, mahigpit naman paiiralin ng ilang mga tauhan ng MPD ang physical distancing kaugnay sa maikling seremoniya sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan na gaganapin sa punong tanggapan ng distrito ng Maynila.