MPD, nakatutok sa pagbabantay sa higit 50 barangay sa Maynila na nasa ilalim ng granular lockdown

Patuloy na nakatutok ang Manila Police District (MPD) sa 54 na barangay sa lungsod na nasa ilalim ng granular lockdown dahil sa naitatalang kaso ng COVID-19.

Sa inilabas na datos ni MPD PIO Chief Police Capt. Philipp Ines, 58 lugar sa mga nabanggit na barangay ang naka-lockdown kung saan nasa 158 na pulis ang nagbabantay rito.

Katuwang ng MPD sa pagbabantay ang nasa 94 na bilang ng force multiplier upang masigurong maipapatupad ang guidelines sa pagsasagawa ng granular lockdown.


Pinakamaraming binabantayang barangay ang MPD Station 4 o Sampaloc Police Station na nasa 25 ang bilang kung saan 26 na lugar dito ang naka-lockdown.

Nabatid na nakapagtala sa distrito ng Sampaloc ng 45 na positibong kaso ng COVID-19 kaya’t pinag-iingat ang lahat upang hindi mahawaan ng sakit.

Patuloy rin ang paalala ng MPD sa mga apektadong residente ng granular lockdown na manatili na lamang sa loob ng bahay kung walang importanteng gagawin sa labas lalo na’t tuloy-tuloy naman ang pamamahagi ng ayuda mula sa lokal na pamahalaan ng Maynila.

Facebook Comments