Nakikiusap ngayon ang Manila Police District (MPD) sa mga deboto na huwag nang isama ang kanilang mga anak sa ilang aktibidad sa Pista ng Poong Itim na Nazareno.
Ayon kay MPD Director Police Brigadier General Leo Francisco, hindi nila papapasukin o palalapitin sa Quaipo Church ang sinumang may bitbit na mga menor de edad kung saan kanila itong papauwiin bilang bahagi na rin ng pag-iingat kontra COVID-19.
Nanawagan din sila sa mga deboto na magdala ng mga transparent na bag at lalagyan ng tubig sa pagpunta sa Quiapo Church upang mas mapadali ang pagsisiyasat ng mga pulis.
Magdadagdag rin ang MPD ng kanilang mga tauhan sa mga control points sa kapistahan ng Poong Itim na Nazareno upang masiguro ang seguridad at naipapatupad ang minimum health protocols.
Bukod dito, nakatakda rin mag-deploy ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at iba pang distrito ng PNP sa Metro Manila ng karagdagang 4,000 pang pulis para masiguro ang kaayusan at kapayapaan sa Pista ng Poong Itim na Nazareno.