Nababahala pa rin ang Manila Police District (MPD) na posibleng tumaas ang kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Maynila pagkatapos ng holiday season.
Ito’y dahil sa mga hindi sumusunod sa health protocols laban sa COVID-19.
Sa pahayag ni MPD Director Police Brig. Gen. Leo Francisco, pinapaalalahanan nito ang publiko na sumunod sa mga health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at pairalin sa lahat ng oras ang physical distancing.
Ayon pa kay Francisco, sa kabila ng paulit-ulit nilang paalala, marami pa rin ang sumusuway sa health protocols partikular sa area ng Divisoria.
Panawagan ni Francisco sa publiko na nakasalalay rin sa kanilang pagiging disiplinado ang pagkontrol ng hawaan ng COVID-19 at hindi dapat iasa ang lahat sa gobyerno at iba pang ahensiya ng pamahalaan ang mga hakbang para mabawasan ang bilang ng nagpopositibo sa virus.