Manila, Philippines – Pinagpapaliwanag ng Philippine National Police ang Manila Police District (MPD) kung bakit magkaiba ang inilabas nitong numero ng bilang ng mga pro-Duterte na nagpunta sa Plaza Miranda kasabay ng idinaos na National Day of Protest kahapon, kumpara sa isinumite nilang report sa Kampo Crame.
Ayon kay PNP Deputy spokesperson Vimellee Madrid, nais nilang malaman kung bakit hindi nagtugma ang mga inilabas na numero ng MPD.
Batay kasi sa datos na ibinigay ng MPD sa media kahapon umabot sa 15,000-16, 000 ang mga pro-Duterte na nagkasa ng kilos suporta sa Quiapo.
Pero sa ipinasa nitong report sa Kampo Crame na iprinisinta kanina sa media nasa 7,000 lang ang naitala nilang pro-Duterte sa Plaza Miranda.
Sinabi pa ni Madrid na sisilipin din nila ang drone shot ng pulisya sa Plaza Miranda para beripikahin ang totoong bilang ng mga nagpuntang pro-Duterte doon.