MPD, puspusan ang pagbabantay sa ilang lugar sa Maynila ngayong anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law

Todo higpit ngayon ang Manila Police District (MPD) sa kanilang pagbabantay sa ilang mga lugar sa lungsod ng Maynila ngayong araw ng paggunita ng deklarasyon ng Batas Militar.

Kaugnay nito, naglatag ng mga checkpoint ang MPD habang nagpakalat na rin sila ng tauhan sa Liwasang Bonifacio para pigilan ang pagpasok ng malaking bilang ng mga raliyista.

Nabatid kasi na mamayang hapon ay gaganapin ang pagtitipon-tipon sa Liwasang Bonifacio pero ipatutupad ng MPD mga patakarang itinatakda ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa ilalim ng Alert Level 4.


Ito ang tiniyak ni MPD Chief Brig. Gen. Leo Francisco sa gitna ng permiso na ipinagkaloob sa mga militanteng grupo kung saan limitado lamang ang mga papayagan nilang raliyista na makapuwesto sa Liwasang Bonifacio.

Ipaiiral din ng MPD ang minimum public health standards mula sa pagsusuot ng face mask at physical distancing.

Paalala naman ni Gen. Francisco na bawal pa rin naman kasi ang pagtitipon ng mga tao dahil sa panganib ng hawaan ng COVID-19 kaya nakikiusap na rin sila na huwag nang magtungo ang mga raliyista sa Liwasang Bonifacio.

Facebook Comments