Muling pinaalalahanan ng Manila Police District-Special Mayors Reaction Team o MPD-SMaRT ang publiko laban bentahan ng mga GSM o “Galing Sa Magnanakaw” na mga cellphone.
Ang pahayag ay inilabas kasabay ng nalalapit na Pasko kung saan ayon kay Major Jhun Ibay, ang hepe ng MPD-SMaRT, tiyakin na hindi GSM ang bibilhing cellphone at bumili sa mapagkakatiwalaang tindahan.
Marapat din aniya na magkaroon ng “public awareness” o alam ng publiko ang umiiral na mga batas o ordinansa sa Maynila, ukol sa bentahan ng mga GSM at kahalintulad.
Una nang ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno ang “ban” sa bentahan ng mga GSM na cellphones.
Tiniyak naman ni Ibay na patuloy ang pag-monitor ng MPD-SMaRT sa mga patuloy na nagbebenta ng mga GSM at syempre sa mga nagnanakaw ng cellphones.
Sa katunayan, ani Ibay, humigit-kumulang tatlong daang GSM na cellphones ang nasa kustodiya pa rin ng MPD-SMaRT at Ilan sa mga ito ay nai-turnover ng ilang mall makaraang matunugan na nakaw.
Ang mga tunay na may-ari ng mga cellphones ay magtungo lamang sa tanggapan ng MPD-SMaRT sa Manila City Hall upang mabawi ang kanilang nanakaw na units.