Nagpadala na ng tulong ang Manila Police District Station 4 o Sampaloc Police sa mga nasalanta ng pagsabog ng Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas.
Nabatid na ibinigay ng 70 miyembro ng Sampaloc Police ang kanilang monthly rice allowance kasama na ang ilang bottled water at food packs.
Ayon kay Police Executive Master Sergeant Rolando Morado Jr., team leader ng Humanitarian Mission ng MPD Station 4, nasa 70 kaban ng bigas ang ipinadala nila kaninang umaga kung saan kusang loob nila itong ginawa at hindi raw ito utos mula sa MPD Headquarters.
Target na mabigyan ng tulong ang ilang bakwit na ilang araw ng nananatili sa labing isang evacuation center sa bayan ng Calaca.
Umaasa rin ang lahat ng mga pulis sa MPD Station 4 na susundan ng ilan nilang kabaro ang ginawa nilang hakbang para na rin sa kapakanan ng ilan nating kababayan na naapektuhan ng pagsabog ng bulkang taal.