MPD, todo higpit sa Brgy. 351 sa Sta. Cruz, Maynila na kasalukuyang naka-lockdown

Todo higpit ngayon ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa pagbabantay at pagpapatupad ng mga panuntunan sa ilalim ng pinapairal na lockdown sa Brgy. 351, Zone 35 sa Sta. Cruz, Maynila.

Ito’y dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa nasabing barangay.

Kada anim na oras ay nagpapalitan ang nasa 30 tauhan ng MPD kung saan katuwang nila sa pagbabantay ang ilang mga tanod.


Ang ilang mga residente na naabutan ng lockdown ay hindi na hinahayaan pumasok lalo na kung hindi sila kabilang sa authorized persons outside residence (APOR).

May ilang residente sa kabilang barangay ang sinisita rin dahil sa pagala-gala habang ang iba ay nakatambay naman sa labas ng bahay.

Sa kabila ng paghihigpit, nasa dalawang katao ang nasita at hinuli dahil sa paglabas ng bahay kung saan ang isa sa kanila ay isang matandang babae.

Dumating na rin ang food boxes na ipapamahagi sa mga naapektuhang residente ng Brgy. 351 dahil sa lockdown.

Nabatid na ang mga pamilya na naapektuhan ng lockdown ay bibigyan ng mga food boxes kung saan nasa 1,019 na pamilya sa Barangay 351; 1,109 sa Barangay 699; at 169 na pamilya sa Barangay 725.

Ang kada isang food box ay naglalaman ng tatlong kilong bigas, 16 na piraso ng canned goods at walong sachet ng kape.

Facebook Comments