Todo-higpit ang ginawang pagbabantay ng Manila Police District (MPD) sa paligid ng Simbahan ng Quiapo ngayong Palm Sunday.
Kaugnay nito, nagdagdag na ng pwersa ang MPD para masigurong walang indibidwal ang lalabag sa ipinapatupad na health protocols laban sa COVID-19.
Karamihan sa mga nagtitinda ng palaspas ay hindi hinahayaang magbenta sa paligid ng simbahan pero pinapayagan silang pumuwesto sa may bahagi ng Villalobos.
Ang mga deboto naman ay hindi rin pinapayagang manatili sa may ng gilid ng simbahan upang hindi magkaroon ng kumpulan.
Tanging ang pari at mga lay minister lamang ang nasa loob ng simbahan sa kasagsagan ng misa kung saan ang mga deboto ay hinihimok na makinig o kaya ay manood na lamang ng misa via online.
Una nang inihayag ni MPD Director Police Brig. Gen. Leo Francisco na paigtingin ang police visibility ngayong holy week hindi lamang sa Quaipo Church maging sa ibang simbahan sa lungsod ng Maynila.
Maglalatag rin ng mga checkpoint ang MPD para masiguro ang seguridad sa mga lugar na maraming tao lalo na ngayong isinailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila.