MPD, wala pang naitatalang lumabag sa inilatag na quarantine protocols sa mga checkpoint

Patuloy na naghihigpit ng seguridad ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa mga boundary sa kalapit na lungsod bilang isa sa mga patakaran sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) na ipinapatupad sa National Capital Region (NCR).

Ilan sa mga checkpoint na ito ay sa P. Ocampo sa may bahagi ng Roxas Blvd., Rizal Avenue kanto ng R. Papa Street, Blumentritt sa España Boulevard, Panaderos, Sta. Mesa at Manila North Cemetery.

Ito’y para masiguro na pawang mga Authorized Person Outside Residence (APOR) ang mga bumibiyahe, mga kasama nilang maghahatid at mga indibidwal na pinayagan na magtrabaho na may hawak na kaukulang dokumento tulad ng Certificate of Employment (COE).


Wala pa naman naitatala ang MPD na lumabag sa quarantine protocols bagama’t may ilan ang pinababalik sa kanilang pinanggalingan para kumuha muna ng dokumentong kakailanganin.

Nasa halos 300 pulis ang ipinakalat sa 12 checkpoints sa lungsod ng Maynila habang ang iba naman ay patuloy na nag-iikot upang masiguro ang kapayapaan at seguridad.

Muli naman panawagan ng MPD sa mga motorista na habaan ang pasensiya sa ikinakasang checkpoint, makipag-ugnayan nang maayos sa mga otoridad upang walang maging problema at ihanda o ilabas na agad ang mga hinihinging dokumento.

Facebook Comments