MR ng Kamara sa impeachment case laban kay VP Sara, maganda ang latag —senador

Inaasahang magiging makasaysayan ngayong araw sa Senado dahil dedesisyunan ng mga senador ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Inaantabayanan na sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang nakatakdang pagtalakay at botohan sa impeachment case na gaganapin sa sesyon mamayang alas-3:00 ng hapon.

Matatandaang sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na bukod tanging agenda lamang nila ngayong araw ang pagtalakay at posibleng botohan sa naging Supreme Court ruling na nagdedeklarang unconstitutional ang impeachment case laban kay VP Sara.

Sa kabila naman ng inaasahang botohan, ilang senador pa rin ang patuloy na umaapela na hintayin muna ng Senado ang desisyon ng Korte Suprema sa motion for reconsideration ng Kamara hinggil sa impeachment case.

Babala ni Senator Panfilo Lacson, makabubuting maging maingat at maghinay-hinay ang mga senador sa gagawing debate at botohan dahil mayroon pang nakabinbin na MR.

Sinabi ng senador na binasa niya ang motion for reconsideration na inihain ng Kamara sa pamamagitan ni Solicitor General Darlene Marie Berberabe at sa tingin niya at ng kanyang legal staff at maging ng mga legal observer na matibay ang mga argumentong inilatag nito.

Dagdag pa ni Lacson, kung ano ang magiging pinal na pasya ng Supreme Court matapos ang inihaing motion for reconsideration ng Mababang Kapulungan ay ito ang dapat nilang sundin.

Samantala, handang-handa na ang mga senador sa pagtalakay ng impeachment case sa sesyon at inaasahang magiging mainit ang debate dito mamaya ng mga senador.

Facebook Comments