MRT-3 management, ikinalugod ang pagtatayo ng QC government ng tent sa mga istasyon ng tren ngayong tag-ulan

Ikinatuwa ng Metro Rail Transit Line-3 (MRT-3) management ang pagtatayo ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ng mga tent sa mga istasyon ng tren.

Ayon sa MRT-3 management, nagpapasalamat sila sa mabilis na pagtugon at pakikiisa ng lokal na pamahalaan sa layunin ng rail line na pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga pasahero lalo na ngayong pumasok na ang panahon ng tag-ulan.

Kabilang sa mga nilagyan ng tent sa mga istasyon ng tren ay ang North Avenue Station, Quezon Avenue Station, GMA-Kamuning Station at Cubao Station.


Ang mga istasyon na ito ay kabilang sa mayroong matataas na bilang ng mga pasahero ngayong umiiral pa rin ang General Community Quarantine (GCQ).

Mayroon nang masisilungan ang mga pasahero na naghihintay sa ibaba ng mga istasyon.

Mapapanatili rin nito ang kaayusan sa pagpapatupad ng one-meter social distancing sa pagitan ng mga nakapilang mga pasahero.

Alinsunod sa alintuntunin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-MEID), mahigpit na ipinatutupad ng pamunuan ng MRT-3 ang pagpapasakay ng limitadong bilang ng mga pasahero sa bawat train set.

Maaari lamang magkarga ang MRT-3 ng 153 na pasahero kada train set, kung saan ay may 51 na pasahero kada train car.

Facebook Comments