May handog na ‘Libreng Sakay’ ang MRT-3 para sa lahat ng mga pasahero bukas, Abril 9.
Ito ay bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan.
Ayon kay Transport Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino, libreng makakasakay ang mga pasahero sa peak hours ng operasyon ng linya, mula 7:00 AM hanggang 9:00 AM, at mula 5:00 PM hanggang 7:00 PM.
Ani Aquino, ang libreng sakay ay bilang pasasalamat at pagkilala para sa ating mga kababayang patuloy na isinasabuhay ang kagitingan sa porma ng buong pusong paglilingkod sa kapwa.
Tinukoy niya ang mga medical frontliners, mga kawani ng gobyerno at sa mga manggagawa .
Samantala, tuloy-tuloy rin ang libreng sakay ng MRT-3 para sa mga beterano at kanilang kasama na sasakay ng tren sa buong oras ng operasyon ng MRT-3.
Ito naman ay bilang pakikiisa ng linya sa pagdiriwang ng Philippine Veterans Week.
Magtatagal ito hanggang Abril 11.