Muling nagpaalala ang MRT-3 management sa mga sumasakay ng tren na panatilihin ang proper health at safety protocols sa harap ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Ayon kay MRT-3 Director for Operations Michael Capati, hinikayat nila ang mga pasahero na maging responsable at disiplinado dahil may banta pa rin ng virus.
Pinaaalalahanan ni Capati ang mga pasahero na palagiang magsuot ng face mask at face shield, lalo sa loob ng tren.
Huwag aniyang makipag-usap o kumain habang nasa loob at sundin ang tamang physical distancing.
Ang mga pasahero na may mga sintomas o nalantad sa mga pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 ay pinapayuhan ding manatili na lang ng bahay.
Tiniyak naman ng MRT-3 management na may regular sanitation at disinfection protocols sa lahat ng mga tren at facilities nito.
Regular namang sumasailalim sa RT-PCR swab testing ang lahat ng MRT-3 personnel.