MRT-3, naitala ang pinakamataas na bilang ng naisakay sa mga tren magmula nang magbalik operasyon ito sa kasagsagan ng lockdown

Naitala kahapon ng MRT-3 ang pinakamataas na bilang ng mga pasahero na sumakay sa tren simula nang magbalik operasyon ito noong Hunyo 2020.

Sa record ng MRT-3 Management, pumalo sa 186,111 ang kabuuang pasahero na sumakay mula alas-5 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi.

Ito ay resulta ng mas pinataas na passenger capacity, mas mabilis na pagbiyahe ng mga tren at pagkakaroon ng mataas na bilang ng mga running at operational na train sets sa linya.


Dinagdagan ang kapasidad ng mga tren sa 70% o 276 na pasahero kada train car sa ilalim ng pagpapatupad ng Alert Level 2 sa Metro Manila.

Ang average train sets na tumatakbo sa mainline ay nasa 17-21.

Nauna nang sinimulan patakbuhin ang mga tren sa linya sa bilis na 60kph mula sa dating 50kph.

Dahil dito, nabawasan ng 3.5 hanggang 4 na minuto ang average headway o oras sa pagitan ng mga tren mula sa dating 8.5-9 na minuto .

Facebook Comments