Kinontra ng MRT-3 management ang patutsada ni Senadora Grace Poe na mas malala ngayon ang sitwasyon ng train line kung ikukumpara sa nakalipas na mga taon.
Sa isang pahayag pambalitaan, sa katunayan, ipinagmalaki ng DOTr-MRT3 na mas malaki na ang ibinawas sa bilang ng mga unloading incidents kung ikukumpara noong mga nakaraang taon.
Mula January hanggang June 2016, bago pumasok ang Duterte administration, nakapagtala ng 333 unloading incidents ang MRT-3, kung ihahambing sa 14 unloading incidents na naitala mula January hanggang June 2019.
Idinagdag pa sa pahayag na hindi agad maisasaayos ang naipong mga problema na dulot ng mahabang panahong kapabayaan ng nakalipas na administrasyon.
Gayunman, ginagawa naman lahat ng DOTr-MRT3 ang lahat ng hakbang.
Kabilang sa mga kinakailangan pang gawin ay ang:
- Pag-overhaul ng 72 light rail vehicles (LRVs)
- Pagsasaayos sa mga riles ng tren
- Pag-rehabilitate sa power at overhead catenary systems
- Pag-upgrade sa signaling system, communications at CCTV systems
Inaasahan na pagsapit ng July 2021, makakaramdam na ng ginhawa ang mga commuters kung saan mula sa labing limang tren, magkakaroon na ng 20 na tren na bibiyahe at madadagdagan na ang train speed mula 30 kph patungong 60 kph.