MRT-3, sususpindehin ang operasyon mula Oct. 31 – Nov. 2

45

Nag-abiso ang MRT-3 management na magpapatupad ng pansamantalang shutdown sa operasyon ng mga tren nito sa darating na ika-31 ng Oktubre hanggang ika-2 ng Nobyembre 2020.

Ang temporary shutdown ay ipatutupad upang magbigay-daan sa gagawing bushing replacement sa depot at turnout activity sa Taft Avenue station.


Parte ng gagawing bushing replacement ng 34.5-kilovolt alternating current (kV AC) switch gear ay ang pagsasaayos ng bus tie na nagbibigay ng supply ng kuryente sa depot mula sa Meralco power source nito sa Balintawak at Diliman, at pagkukumpuni ng isang panel na mayroong 12 bushing unit.

Sa kabilang banda, ipagpapatuloy rin ang isinasagawang pagsasaayos at pagpapalit ng mga turnouts sa Taft Avenue station.

Bahagi ng turnout activity na ito ay ang pagsasaayos ng 2A at 2B turnout sections sa Taft Avenue.

Noong ika-10 hanggang ika-11 ng Oktubre ay isinaayos ang 1A at 1B turnout sections kung saan ay 91% na ang completion rate nito, at patuloy ang isinasagawang welding ng mga ito.




Ang mga turnout ay ginagamit upang makalipat ang isang tren mula sa isang track patungo sa ibang track.

Noong ika-1 ng Oktubre ay iniakyat na ng MRT-3 ang train running speed nito sa 40kph mula sa dating 30kph.

Target na maiakyat pa ito sa 50kph sa Nobyembre at 60kph sa Disyembre, oras na matapos ang pagsasaayos ng turnouts.

Facebook Comments