MRT-3, tiniyak na handa sakaling tumaas ang bilang ng mga commuter sa pagsisimula sa Lunes, March 28 ng libreng sakay nito

Nakahanda ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 hinggil sa inaasahang pagtaas ng bilang ng mga pasaherong sasakay ng MRT-3 sa pagsisimula sa Lunes, March 28 ng libreng sakay na magtatagal hanggang March 30.

Ayon kay MRT-3 OIC-General Manager at Director for Operations Michael Capati, magdedeploy ito ng 4-car CKD train sets tuwing peak hours simula alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng umaga, at alas-5:00 hanggang alas-7:00 ng gabi.

May kapasidad ito na magkarga ng 1,576 passengers per train set.


Ito ang kauna-kaunahang pagkakataon na magpapatakbo ang MRT-3 ng 4-car CKD train sets sa linya nito na maaari nang sakyan ng mga pasahero.

Kasunod naman ito ng matagumpay na mga serye ng dynamic testing ng 4-car CKD train sets.

Ang libreng sakay na isang buwang aarangkada ay handog ng MRT-3 sa kanilang pagdiriwang ng matagumpay na pagtatapos ng rehabilitasyon ng linya na mismong pinasinayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Inaasahang nasa 300,000 hanggang 400,000 bawat araw ang mga pasaherong makikinabang sa libreng sakay na layon ding makatulong sa mga komyuter sa gitna ng pagtaas ng presyo ng gasolina at ng mga bilihin.

Facebook Comments