Manila, Philippines – Nagbabala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista hingil sa pagbibigat ng trapiko sa Quezon City dahil sa pagsasara ng ilang kalsada para sa patuloy na konstruksyon ng Metro Rail Transit (MRT) 7 sa ilalim ng proyektong “Build, Build, Build” programa ng gobyerno.
Ayon kay Frisco San Juan Jr., MMDA Deputy Chairman, ang pribadong kontraktor ng MRT 7 ay sisimulan nang gawin ang back-to-back na infrastructure projects sa ibat-ibang lokasyon sa susunod na linggo.
Sinabi nito na sa April 30, magkakaroon ng konstruksyon ng coping beam sa kahabaan ng Regalado Highway na nangangailangan ng pagsasara ng westbound lane habang ang eastbound lane naman ay mananatiling bukas para sa mga dumaraang motorista.
Magpapatupad ang MMDA ng one-way traffic sa Regalado highway mula Mindanao Avenue hanggang Commonwealth Avenue.
Sa koordinasyon ng MRT 7 Traffic Management Task Force, sinabi ni San Juan na ang pribadong kontraktor ay magsisimula nang gawin ang Tandang Sora station sa interseksyon ng Tandang Sora at Commonwealth Avenue simula Mayo 1, Araw ng Paggawa.