Ipina-cite for contempt ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs si Police Master Sergeant Rodolfo Mayo at ang kanyang superior na si Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PDEG) Head Lt. Col. Arnulfo Ibañez sa gitna ng imbestigasyon ng ₱6.7 billion shabu haul sa Maynila noong nakaraang taon.
Si Mayo ang nakumpiskahan ng naturang 990 kilos ng iligal na droga noong October 2022 habang si ibañez naman ang nagrekomenda na malipat si Mayo sa PDEG mula sa pagkaka-assign nito sa Mindanao.
Sa pagsisimula pa lang ng pagdinig ay agad na nagmosyon si Senator Raffy Tulfo na ma-cite in contempt si Ibañez dahil hindi ito kumbinsido na hindi alam ng police official ang gawain ng kanyang subordinate na si Mayo.
Bagama’t nakakulong na si Mayo, hinala ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na anumang oras ay maaari itong makawala dahil magaling ang kanyang abogado.
Pina-contempt na rin agad si Mayo dahil sakaling makalabas ito sa kustodiya ay agad din siyang maaaresto at maipapakulong.
Pinayuhan ni Dela Rosa ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na sakaling magkaroon ng release order si Mayo ay kontakin nila agad ang Senate Office of the Sergeant at Arms (OSAA) para mailipat naman ang kustodiya nito sa Senado.