MSTP ng City of Ilagan, Iniaalok para sa Pagkuha ng NC II!

Cauayan City, Isabela- Hinihikayat ng pamahalaang Lungsod ng Ilagan ang sinumang Ilagueño na nais mag-aral at makakuha ng National Certificate o NC II mula sa TESDA.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, Public Information Officer ng Pamahalaang lungsod ng Ilagan, ang Manpower Skills Training Program (MSTP) ay matagal nang programa ng City government sa pamumuno ni Mayor Jay Diaz para sa mga Ilagueño katuwang ang TESDA Isabela kung saan ay maaaring makapag-enroll ng libre sa mga kursong iniaalok ng naturang programa.

Aniya, patuloy pa rin ang kanilang pagtanggap sa mga mag-eenroll at kinakailangan lamang dalhin ang mga requirements na 3 pieces passport size picture, barangay clearance at Comelec biometrics.


Magsisimula ang pasukan para sa unang batch ng MSTP ngayong taon sa Pebrero 1, 2020 sa TESDA Isat, Calamagui 2nd, City of Ilagan, Isabela.

Samantala, nakatakdang magtapos bukas, Enero 11, 2020 sa TESDA Isat Function hall, Calamagui 2nd sa naturang Lungsod ang mahigit 1000 na sumailalim sa 6 buwan na pagsasanay sa MSTP.

Bahagi rin ng 21st MSTP graduation ceremonies ang pagbibigay ng Certificates of Training para sa mga lumahok sa kanilang Livelihood Skills Training na isinasagawa sa mga Barangay.

Facebook Comments