Manila, Philippines – Arestado sa entrapment operation ang isang team leader ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) matapos ireklamo ng pangingikil ng isang negosyante na nagde-deliver ng gulay at prutas sa Divisoria sa Maynila.
Dinakip ng mga tauhan ng Counter Intelligence Task Force (CITF) ng Philippine National Police (PNP) si Markbien Ureta matapos tanggapin ang P6,000 marked money mula sa biktima sa harap ng Manila City Hall.
Ayon sa biktima na mula Nueva Ecija, nagluluwas siya ng gulay at prutas sa Divisoria araw-araw, pero lagi siyang hinuhuli ng mga tauhan ng MTPB.
Para raw hindi na siya hulihin, hiningan na siya ng buwanang bayad ng P1,000 bilang protection money.
Pero dahil hindi sila nagkita ni Ureta mula Hulyo hanggang Disyembre noong nakaraang taon, hiningan na siya nito ng P6,000.
Giit naman ni Senior Superintendent Romeo Caramat Jr., commander ng CITF, ipinagtataka nila kung bakit nakuhanan din si ureta ng P300,000.
Paglilinaw ng suspek, para ito sa kaniyang trucking business.
Mahaharap si Ureta sa kasong robbery-extortion.